Puno na at pagod na sa trabaho dahil sa dumadaming pasyente ng COVID-19, malalagasan pa ng 11 duktor ang Philippine General Hospital (PGH), matapos na hindi na sila nag-renew ng kanilang kontrata.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang PGH ang isa mga ospital sa bansa na pinagdadalhan ng mga taong nahahawahan ng virus.
Pero ang 11 sa 22 volunteer doctors na kinuha ng Department of Health para sa PGH, hindi na raw muling pumirma ng kontrata.
"They decided not to renew their contract apparently most of these doctors would like to pursue residency training already," ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH.
Bukod sa mga duktor, mayroon din umanong mga nurse na nagbitiw na rin sa trabaho.
"May halong pagod...Medyo nakaka-overwhelm din yung trabaho sa PGH...at siguro yung iba rin baka nagkakasakit," dagdag niya.
Makakaapekto raw sa trabaho ng PGH ang naturang kabawasan ng kanilang mga duktor at mga nurse.
Nasa 65% hanggang 75% ang mga pasyente nilang may COVID-19 ang severe at critical ang kalagayan kaya kailangan na matutukan ng mga duktor at nurse.
Sa kabila nito, sinabi ni del Rosario na ginagawa nila ang lahat ng paraan para matugunan ang problema.
"We're trying out best, we have to cut down on our non-COVID elective cases," saad niya. Kasabay nito, kumuha na raw sila ng mga duktor mula sa ibang departamento para tumulong sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon pa kay del Rosario, nasa full capacity na ang ospital.
"Sa amin pong 300 beds na alloted for COVID ay puno. We're full capacity and then (there) we're about 30 patients na nasa emergency room na kailangang maipasok sa ospital...Yung ICU po namin ay puno," patuloy niya.
Ang sitwasyon sa PGH, nararanasan din umano sa ibang mga ospital dahil nananatiling mataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa, ayon sa ulat.
"Halos punong-puno ngayon talaga. Baka umabot yan ng halos 100 percent. Why? Kasi ang mga healthcare workers natin affected na rin na may mga infection din, nako-COVID din. In effect ano 'yon narere-reduce yung number ng beds ng hospital," paliwanag ni Dr. Jose de Grano, president ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc (PHAPi).
Nitong Huwebes, iniulat ng DOH na umabot sa bagong record-high na 22,820 ang dinapuan ng virus, at mayroon pang limang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos.
Dahil sa naturang bilang, sumipa ang active cases o mga pasyenteng ginagamot o nagpapagaling sa 166,672.
Mayroong 12,337 pasyente ang bagong mga gumaling, habang 61 ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.--FRJ, GMA News