Mayroon umanong testigo na makapagbibigay ng linaw sa sinasabing "sindikato" sa pagkuha ng pamahalaan ng umano'y overpriced COVID-19 supplies, ayon kay Senador Ping Lacson.
“Apparently, mayroon talagang sindikatong involved and you’ll be surprised. We are working on something that would further open up itong kaso ng Pharmally,” sabi ni Lacson sa ANC interview nitong Huwebes.
“We haven’t talked to the person yet, but he already manifested his intention to fully cooperate,” dagdag niya.
Sa sandaling humarap sa Senate blue ribbon committee, sinabi ni Lacson na mabubunyag ang iba pang opisyal mula sa ibang ahensiya, bukod sa Department of Budget and Management Procurement Service at Department of Health.
“So I just hope that the chair of blue ribbon committee and my colleagues will still continue with this investigation. We are just waiting for some developments and I hope this can open up a whole lot of information,” ayon sa senador.
Sa susunod na pagdinig, sinabi ni Lacson na ipakikita niya ang timeline sa mga pangyayari simula sa araw nang magbitiw sa puwesto si Budget Undersecretary Christopher Lloyd Lao at itinalaga naman bilang hepe ng DBM-PS.
Masusuportahan umano ng timeline ang pahayag ni Minority Leader Franklin Drilon na pinagplanuhan o “premeditated plunder” ang nangyari sa bilyong-bilyong pondo.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado ang pondo ng DOH noong 2020 na inilaan sa pagtugol sa COVID-19 pandemic.
Itinanggi ni DOH Secretary Francisco Duque ang bintang ng katiwalian sa paggamit ng pondo. Sinuportahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paliwanag ni Duque.
Kasabay nito ay binatikos ni Duterte ang mga senador na umano'y mamumulitika sa ginagawang imbestigasyon.
Kasama rin sa ipinapatawag ng Senado si presidential economic adviser Michael Yang na iniuugnay sa Pharmally, na nagsupply ng mga COVID-19 equipments tulad ng PPEs.— FRJ, GMA News