Isang bahay-ampunan sa Quezon City ang nagkaroon ng hawahan ng COVID-19. Sa 122 katao na dinapuan ng virus, 99 ang mga bata.
Sa inilabas na pahayag ni Quezon City, Mayor Joy Belmonte nitong Huwebes, sinabing edad 18 pababa ang 99 na kabataan na nahawahan ng virus sa Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay.
Ayon kay Dr. Rolando Cruz, hepe ng Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Quezon City, isang asymptomatic adult umano ang bumisita sa bahay-ampunan na siyang nagdala doon ng virus.
“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat,” ani Cruz.
Pero itinanggi ni Charity Graff, executive director ng Gentle Hands Inc., na may bisita silang tinanggap.
Nagpaalala naman si Belmonte na dapat mahigpit na ipatupad ang patakaran sa paglaban sa COVID-19.
“Mariin nating ipinapaala na ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332. Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus,” anang alkalde.
Nagpadala na umano ng mga pangangailangan sa pasilidad tulad ng paracetamol, vitamins, hygiene kits, face masks, alcohol, at food packs.
Iniutos din niya sa CESU na masusing bantayan ang kalagayan ng mga pasyente lalo na ang mga bata. Kailangan ding magsagawa ng swab testing at contact tracing.
Sa panayam ng Super Radyo DZBB, sinabi ni Belmonte na kabilang sa mga pasyente ay 51 bata na edad dalawa hanggang 10; 48 ang nasa 11 hanggang 18, at 23 ang adult.
"Rather than take out the positive patients in 73% of the total population while the testing is still ongoing... the CESU endorsed this to the barangay as a 'special concern lockdown,' this is our version of the granular lockdown," ayon sa alkalde.
Inihiwalay na umano ang kuwarto ang mga nagnegatibo sa test, at maging ang mga nagnegatibo pero may sintomas ng sakit.
Sa pahayag ni Graff, sinabi niya na wala siyang naging bisita na asymptomatic person na naging sanhi ng outbreak sa ampunan.
"It is not true that an asymptomatic visitor spread the virus because we have not received any visitors at all, due to the fact that some of the children are immunocompromised and we have prohibited non-members of the staff from going inside the facility," ani Graff.
"While it is true that several individuals have tested positive in our facility, the source of the infection is still being traced," patuloy niya.—FRJ, GMA News