Dahil sa pagtanggap ng amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa nominasyon ng PDP-Laban na tumakbo siyang bise presidente, sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte na hindi siya tatakbong sa "national position" tulad ng panguluhan sa Eleksyon 2022.
Paliwanag ng alkalde, napagkasunduan nila ng kaniyang ama na isa lang sa kanila ang tatakbo sa national position sa darating na halalan.
Nitong Miyerkules, pormal na tinanggap ni Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban Cusi faction na tumakbo siyang vice president.
Si Senador Bong Go naman ang magiging kandidatong pangulo. Pero tinanggihan ng senador ang nominasyon sa kabila ng nauna niyang pahayag na tatakbo siyang pangulo kung katambal niya si Duterte.
Sinabi rin ni Sara na hindi niya susuportahan ang tambalang Go-Duterte.
“No. I will not share my light this time,” sabi ni Duterte nang tanungin ni GMA reporter Joseph Morong.
Si Sara ang pinuno ng regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP) na sumuporta sa mga kandidato ng PDP-Laban noong 2019 elections.
Sa kabila ng mga nangyari, sinabi ng alkalde na maayos pa rin ang relasyon nila ng kaniyang ama.
“Our politics do not interfere with our familial relationship. Iba ang trabaho, iba ang pamilya. Walang personalan,” sabi ni Sara sa hiwalay na panayam.
Nauna na nang inihayag ni Sara na bukas siya sa posibilidad na tumakbong pangulo sa 2022.—FRJ, GMA News