Patay ang apat na Tsino at halos P4 bilyon halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng pinagsanib ng puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa isinagawang operasyon sa Candelaria, Zambales.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing halos kalahating toneladang droga na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon ang nasabat sa tabing-dagat sa Candelaria.
Sinasabing ipinuslit sa bansa ang mga droga na nakalagay sa mga vacuum sealed foil bag at nakalagay sa mga sako.
Apat na Chinese drug trafficker ang napatay matapos umanong manlaban sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga napatay ang isang Xu Youha, na ayon sa mga awtoridad ay isa sa mga "key player" sa illegal drugs activities sa Pilipinas.
Ang lugar na pinangyarihan ng operasyon ay resort at palaisdahan ng mga Chinese na ginamit nilang prente para makapagpasok ng ilegal na droga.
Naharang naman ng PDEA sa gate ng SMBA ang dalawang SUV na may sakay na tatlong Chinese na tumakas umano sa operasyon sa Zambales.
Nakuha pa sa kanila ang 90 kilo ng shabu na may katulad na marka ng mga shabu na nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Patuloy umanong nagsasagawa ng follow-up operations ang PDEA at PNP para mahuli ang iba pang kasamahan ng grupo.--FRJ, GMA News