Bistado ng mga awtoridad ang operasyon ng ilegal na pasugalan na ginagawa sa isang musoleo sa Manila North Cemetery. Bukod sa ginawang lamesa ang nitso ng patay, ipinangtataya rin daw ng iba ang natanggap na ayuda.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naaktuhan ng mga pulis ang operasyon ng ilegal na pasugalan na ginagawa sa loob ng sementeryo nitong Lunes.
Nahuli ang mga nagpapataya at nasamsam ang mga gamit sa operasyon, kabilang ang listahan kung saan napupunta raw ang ginagawang bola ng sugal.
Nabisto ng mga pulisya ang lugar nang ituro ito ng mga kubrador na nauna nilang naaresto.
Maaari daw na tumaya sa sugal ng mula P5 hanggang P200. Ang ibang tumataya, pera na natanggap daw bilang ayuda ang ginagamit.
Ang ilan sa nahuli, aminadong matagal nang sangkot sa pasugal bilang kubrador. Pero ang tagapagbantay sa musoleyo, idinahilan na kaibigan lang niya ang mga nagpapasugal kaya niya pinapasok.
Ayon sa pulisya, mas mahirap ngayon na masubaybayan ang ilegal na pasugalan dahil sa text at tawag na idinadaan ang pagtaya at pupuntahan na lang ng kobrador para kolektahin ang pera.
Mahaharap ang mga naaresto sa kaukulang kaso patungkol sa illegal gambling.--FRJ, GMA News