Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na  natataranta na si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa umano'y overpriced na mga face shield at face mask kaya nang-iinsulto na lang.

“It is not difficult to think that he is in panic mode and is attempting, as he has already done earlier, to discourage the Senate from pursuing our investigation in the highly anomalous procurement of overpriced medical supplies that is starting to knock on the doors of Malacañang,” sabi ni Lacson sa isang pahayag nitong Martes.

Pinuna rin ng senador ang video na makikita si Michael Yang, isang Chinese national, na pumirma ng kontrata bilang presidential consultant, tumatanggap ng one-peso-a-year remuneration mula sa gobyerno, dahil sa pagkakaugnay nito sa kontrobersiyal na Pharmally Corp.

Sa Blue Ribbon committee hearing, ipinakita ng pinuno ng komite na si Sen. Richard Gordon, ang file video ng RTVM na kausap ni Yang si Duterte.

Sa taped public address ni Duterte na ipinalabas nitong Martes ng umaga, ipinagtanggol niya si Yang, na isa umanong negosyante na dalawang dekada nang nagnenegosyo sa Pilipinas.

Sinabi ni Duterte na huwag iboto ang mga senador at kongresista na ginagamit ang kanilang posisyon para magpasikat.

Binatikos niya si Gordon na puro umano ang salita sa Senate blue ribbon committee investigation tungkol sa umano'y overpriced na pagbili ng mga gamit sa pandemic.

Sinabihan pa niyang dapat magpapayat si Gordon.

Pinuna rin niya ang ayos ng buhok ni Lacson.

Nagbanta rin ang pangulo na may isisiwalat tungkol sa integridad ni Lacson.

"To be honest, really, tanungin ko si Panfilo Lacson. Are you honest? Answer me truthfully. Are you honest? Kay kung magsabi ka ng ‘yes’ sasagutin kita next program may ipakita ako,” ayon kay Duterte.

“You do not have the ascendancy to question the Executive’s prerogative. Of course I will appoint people I know and trust just like other presidents before me,” giit niya.

Ayon naman kay Lacson, hindi niya alam kung ano ang sinasabi ni Duterte tungkol sa ayos ng kaniyang buhok.

“I haven’t changed the way I comb my hair, since long before he had lost his mind," ayon sa Lacson.

"But his insulting rebuke only shows that he and Sen. Bong Go are one and the same, for better or for worse, in sickness and in health. They even probably have a joint bank account,” patuloy niya.

Sakabila ng mga pang-iinsulto at banta, sinabi ni Lacson na patuloy ang gagawing imbestigasyon ng Senado.--FRJ, GMA News