Isang pulis na dinala sa ospital sa Valenzuela City dahil sa high blood pressure ang inireport sa pulisya matapos nito umanong bantaan ang staff.
Nagbanta raw ang pulis na nakilalang si Patrolman Angelo Mendoza Abalo, 37, na magpapaputok ng baril kung dala lamang niya ito.
Dinala si Abalo sa Valenzuela Emergency Hospital dahil sa high blood pressure.
Sa triage area, nagpakilala raw si Abalo na isa siyang pulis at nagsabi umanong, "T—ina naman, nagpakilala na akong pulis. Kung hawak ko lang ang baril ko, binaril ko na kayo.”
Binantaan umano daw nito ang isang nurse.
Agad namang nagsumbong sa barangay at sa pulisya ang staff ng ospital, at rumesponde kaagad ang mga ito.
Naka-confine na noon ang pulis.
Dadalhin daw sa Station Investigation Unit ng Substation 6 ang suspek pagka-discharge nito para sa proper disposition.
Inimbitahan naman ng Valenzuela City Police Station ang mga taga-ospital upang mag-file ng formal complaint laban sa suspek.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar na kanya nang inatasan ang Northern Police District na imbestigahan ang insidente.
“Hindi natin kukunsintihin ang ganitong klaseng asal at tinitiyak ko na pananagutin natin ang pulis na ito kapag lumabas sa imbestigasyon ang kanyang pagkakasala,” ani Eleazar sa isang video message. —Joviland Rita/KG, GMA News