Sa halip na pakawalan matapos makapagbayad ng ransom money, ipinasa sa panibagong grupo ng mga kidnaper ang dalawang Chinese national na nasagip ng mga awtoridad sa Pasay City.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Yue King Song at Miao Miao Chi.
Una raw dinukot ang dalawa sa Las Piñas ng mga suspek na nagpanggap na employer nila.
“It appears that the victims were kidnapped while they were looking for a job after they applied online through telegram. Accordingly, the victims [met] their supposed employer in Las Piñas,” ayon sa spot report ng pulisya.
“However, upon entering inside the vehicle of their supposed employer and at that moment, they were kidnapped at gunpoint,” dagdag nito.
Nakakuha umano ang mga suspek sa mga biktima ng 1.5 million yuan o katumbas ng mahigit P11 milyon.
Nang wala nang makuhang pera ang mga suspek, ipinasa ang mga biktima sa ikalawang grupo sa Pasay City, ayon kay Police Colonel Cesar Gablin Paday-Os, hepe ng Pasay Police.
Humingi umano ang ikalawang grupo ng P400,000 na ransom sa pamilya ng mga biktima.
Dalawang suspek sa grupo sa Pasay, at kasabwat nilang Pinoy na si Rolando Alvido Jr., sa mga naaresto. Pero itinanggi nila ang alegasyon ng kidnapping.
Samantala, dalawang suspek pa ang nakatakas.— FRJ, GMA News