Patay ang tatlong menor de edad matapos mahagip ng tren sa Sta. Mesa, Maynila nitong Linggo ng gabi.

Ang isa sa mga biktima ay 16-anyos, at ang isa naman ay 17-anyos. Hindi pa nakikilala ang ikatlong biktima, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Ayon sa residenteng si Adrian Perlas, pasado alas-sais ng gabi nang makarinig siya ng sigawan sa kanilang lugar sa may riles sa Barangay 630.

Paglabas niya sa kanyang bahay ay nakita na niyang nakabulagta ang tatlong biktima. Napugutan pa ang isa sa mga ito.

Halos hindi na makilala ang mga bangkay dahil sa naging impact ng aksidente. 

Ayon sa kuwento ng residente, magbabasketbol daw sana ang tatlo. Pero dahil basa ang basketball court dahil umulan, nagpasiya silang bumalik na lang.

Habang naglalakad sa riles ang tatlo, may paparating na tren ng Philippine National Railways na agad namang bumusina.

Dahil hindi tagaroon ang mga biktima, hindi nila alam kung nasaan ang tren at kung saang bahagi sila dapat tumabi, ayon sa residente.

"Nalito sila kasi hindi sila tagadito," ani Perlas.

Sabi sa pulisya, may pagkukulang ang mga magulang at maging ang PNR, ayon sa ulat ni Mariz Umali sa 24 Oras nitong Lunes.

"Sa parte ng magulang ng mga biktima, may pagkukulang kasi despite na under MECQ pa rin kami, hinahayaan nila yung mga anak nila sa labas ng ganu'ng oras at sa gitna ng pandemya," ani Police Lieutenant William Toledo, Manila Department Traffic Enforcement Unit chief investigator.

Nasa modified enhanced community quarantine o MECQ ang Metro Manila simula Agosto 21 hanggang 31 dahil sa banta ng COVID-19.

"Pangalawa, wala silang (PNR) ano eh, kaukulang safety precaution dun sa area, ni walang fence," dagdag ni Toledo.

 

Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng PNR na nakikiramay sila sa mga kamag-anak ng mga nasawi.

Nakikipag-ugnayan din daw sila sa mga awtoridad at sa mga kaanak ng mga biktima.

Ayon sa PNR, may mga warning signs silang nailagay noon pa, at ang mga tren nito ay bumubusina upang abisuhan ang mga tumatawid sa riles na may paparating na tren. 

Samantala, hinahanap na ng mga awtoridad ang makinista ng nasabing tren. —KG, GMA News