Nawalan umano ng pang-amoy at panglasa ang COVID-19 positive na si Manila Mayor Isko Moreno, ayon sa inilabas na medical bulletin. Samantala, gumaling na at nakalabas na ng ospital ang kaniyang bise alkalde na si Honey Lacuna.

"Our Honorable Mayor, on his 5th hospital day, has reported loss of smell and taste which is part of the covid-19 disease spectrum," ayon sa medical bulletin na inilabas ni Dr. Grace Padilla, director ng Sta. Ana Hospital, nitong Biyernes.

Idinagdag ng duktor na kumakain naman ang alkalde at nabawasan na ang nararamdamang pananakit ng katawan.

Sa buong araw, hindi umano uminom ng gamot na pain reliever si Moreno.

"He is comfortable and well rested," ayon sa bulletin. "His vital signs continuously remain stable."

Dinala sa Sta. Ana Hospital nitong Linggo ang alkalde matapos magpositibo sa COVID-19.

Sinabi ng alkalde na mayroon siyang ubo, lagnat at pananakit ng katawan.

Nagpositibo sa virus ang alkalde, isang linggo makaraang unang magpositibo sa COVID-19 ang kaniyang bise alkalde na si Honey Lacuna.

Nitong Huwebes, nag-post sa Facebook ang bise alkalde na nakalabas na siya ng ospital.

"I Thank You this day for Your mercy and grace! I am grateful for Your healing power, and for the abundant blessings You have given me. Heavenly Father, I bow my heart to You and pray," ayon sa post ni Lacuna.

Nagpasalamat ang bise alkalde sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, mga nagdasal at sa mga medical workers.

Nag-post din sa FB account ni Moreno para batiin si Lacuna, at pasalamatan ang mga healthcare worker ng Sta. Ana Hospital. --FRJ, GMA News