Sumirit pa ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos maitala ang bagong all-time high 17,231. Ang mga aktibong kaso, mahigit 123,000 na.

Ayon sa Department of Health (DOH),  nahigitan ng 17,231 na mga bagong kaso ang dating naitalang pinakamataas na daily COVID-19 cases na 15,310 noong Abril 2.

Sa datos pa ng DOH, sinabing mayroon pang dalawang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang listahan sa takdang oras.

Samantala, naitala naman ang 123,251 na active cases, o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling pa.

Sa naturang bilang, 94.1% ang mild cases, 3.2% ang asymptomatic, 1.2% ang severe, at 0.7% ang kritikal ang kalagayan.

Mayroon naman 5,595 na pasyente ang gumaling, at 317 na pasyente pa ang nasawi.

Idinagdag ng DOH na 221 na kaso na dating naitalang gumaling ang inilipat sa bilang ng mga pumanaw matapos ang isinagawang final validation.

Una rito, iniulat na mula sa enhanced community quarantine (ECQ) classification, ilalagay na sa mas maluwag na modified ECQ ang Metro Manila at Laguna simula sa Sabado, August 21 hanggang August 31.—FRJ, GMA News