Nagturuan ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) kaugnay sa atrasadong pagbibigay ng special risk allowance (SRAs) para sa healthcare workers.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Miyerkules,  sinabi ni Health Assistant Secretary Maylene Beltran, na binigyan lang ang DOH ng limang araw para maipamahagi ang P9.7 bilyong SRA ng mga medical frontliner.

Paliwanag niya, inilabas lang ng DBM ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa SRA noong June 25, kaya limang araw na lang ang natira sa kanila para maipamahagi ang pondo bago mapaso sa June 30 ang Bayanihan 2 Law, na basehan ng paggamit ng pondo.

“So ilang araw lang po ‘yon may mga kailangan ho kaming i-settle na mga [Memorandum of Agreement], kailangan po naming kausapin ‘yung mga private sector. Kailangan po namin kausapin ang iba’t ibang LGU hospitals po,” paliwanag ni Beltran.

Nang tanungin ni Senate Blue Ribbon panel chairman Richard Gordon kung ang DBM ang may kasalanan ng delay sa pamamahagi ng pondo, tumugon sina Beltran at Health Secretary Francisco Duque III ng “yes.”

Dagdag pa ni Beltran, nataon na Biyernes ang June 25 kaya kailangan nilang makipag-ugnayan sa mga ospital sa buong bansa ng Sabado at Linggo.

Aminado si Gordon na hindi sapat ang limang araw para maipamahagi ang SRA sa buong bansa.

“So the inefficiency is… intra-government. 'Di nabibigay ng DBM on time tapos pipilitin kayo na tapusin ninyo on a weekend pa gagastusin ninyo at i-obligate ninyo in five days na may weekend pa,” sabi ni Gordon.

Pero sinalungat ni DBM officer-in-charge Tina Rose Canda ang mga pahayag ni Beltran.

Paliwanag ni Canda, tumagal ng 13 araw bago pinirmahan ng DOH ang joint circular for the guidelines sa pagkakaloob ng SRAs.

Sabi pa ni Canda, naglabas ang Office of the President ng Administrative Order noong June 1 para sa panuntunan ng SRAs.

Natanggap umano ng DBM ang AO noong June 3 at kaagad na pinirmahan din sa naturang araw ng noo'y kalihim ng DBM na si Wendel Avisado.

“Umabot po ng June 16 sa DOH ang pirmahan ‘yung joint circular. Pagkatapos po nu’n ang submission ng request is June 23. Hindi naman po kami mag-release without the request,” paliwanag ni Canda.

“Ililinaw ko lang ho ‘yun kasi ‘yon ang kulang sa pagsasaad ng kuwento ng taga-DOH that they submitted the request on June 23. Being a holiday June 24, we released the document but it was ante-dated to June 25,” patuloy niya.

Dahil sa nangyari, sinabi ni Gordon na parehong biktima ng burukrasya ang DOH at DBM.—FRJ, GMA News