Arestado ang dalawang lalaki na papatakas na matapos nilang holdapin ang isang gasolinahan sa Caloocan City.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa body camera ng isang operatiba ng Manila Police District-Special Operations Unit ang pagdakip sa isang lalaki sa labas ng gasolinahan sa C3 Road Lunes ng gabi.
Nakasuot ng bonnet ang suspek at may baril na nakuha sa kaniya ang mga pulis.
Samantala, nadakip din ang isa pang lalaking papatakas na ilang metro lamang ang layo mula sa lugar. Nakuhanan din siya ng baril, pati ang kahang ninakaw nila sa gasolinahan.
Nagkataon daw na nagroronda ang mga pulis sa C-3 Road kaya nasabat ang mga tumatakas na suspek na nakilalang sina Saipuden Agal at Johnray Gopio.
Wala namang nasaktan sa mga empleyado ng hinoldap nilang gasolinahan.
Ayon sa mga suspek, nahikayat lang daw sila ng dalawa pa nilang kasamahan na patuloy pang pinaghahanap.
"Kaibigan ko po sila eh, kasi matindi 'yung pangangailangan din po kaya ako napapayag," sabi ni Agal.
"Niyaya lang po ako ng nagda-drive ng tricycle na didiskarte nga, malaki raw kikitain namin sa pagdidiskarte. Sumama rin po kasi sabi limang libo raw sandalian lang," sabi ni Gopio.
Naglalaman ang kaha ng halos P8,000 kita ng gasolinahan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News