Binansagang "Jackie Chan" ng mga kakilala ang isang lalaki sa Barangay 248 sa Manila matapos mahuli ang isang tumatakas na kawatan sa pamamagitan ng kaniyang patalikod na sipa.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa CCTV ng barangay na hinahabol ng mga tanod ang umano'y kawatan.
Pero malayo pa lang, nakita na ni Victor dela Cruz ang habulan at papunta sa kinaroroonan niya ang hinahabol.
Sa video, nagtaas ng dalawang kamay si dela Cruz na ala-"Karate Kid." At nang lumapit na sa kaniya ang hinabol na lalaki, nagpakawala siya ng sipa.
Tinamaan ang suspek at napatumba kaya nahuli ng mga humabol na tanod.
"Nagkataon lang po 'yon. Nagulat lang din po ako," kuwento ni dela Cruz sa kaniyang ginawa.
"Mayroon po siyang binubunot sa likuran niya pero umiwas na lang din po ako. Dumaan sa likod ko kaya sinipa ko po," patuloy niya.
Nagpasalamat naman si Barangay 248 chairman RB Beltran, sa ginawa ni dela Cruz pero hindi niya hinihikayat na gawin din ng iba ang ginawa ni "Jackie Chan" dahil peligroso.
"Naka-monitor ako sa CCTV noon eh so noong nakita ko sabi ko kakaiba 'yong pamamaraan niya, parang martial arts," sabi ng punong barangay.
"Kung sa tingin nila kaya, okay lang po. Pero kung medyo hindi at may mga armas, mas mainam na 'wag na lang. Habulin na lang nila hanggang sa makakita ng pulis at sila na ang bahalang humuli," payo niya. --FRJ, GMA News