Mistulang nagpakawala ng "power punch" si Senador Manny Pacquiao na presidente ng PDP-Laban nang iutos niyang sipain sa partido sina Energy secretary Alfonso Cusi, na kanilang vice chairman, at ang deputy secretary-general nila na si Melvin Matibag.
Bukod kina Cusi at Matibag, kasama rin sa mga pinasibak ni Pacquiao si Astra Naik, ang membership committee head ng partido.
Ang pagsibak sa tatlo ay bunga umano ng paglabag nila sa "by-laws and constitution" ng kanilang partido.
Sa pahayag na inilabas ni PDP-Laban executive director Ron Munsayac nitong Biyernes, sinabing nagpasya si Pacquiao at ang PDP Laban National Executive Committee (NEC)— ang pinakamataas na administrative at executive body ng lapian— na tanggalin sina Cusi, Matibag at Naik dahil sa pagpapakita nila "katapatan" sa "isa pang partido politikal"--maliban sa PDP-Laban.
Naglabas din ng resolusyon ang NEC na nagbibigay kapangyarihan kay Pacquiao na bumuo ng investigation committee upang alamin ang reklamo laban sa iba pang kasapi ng partido na maaaring lumabag sa kanilang konstitusyon o gumagawa ng mga hakbang na “inimical to the party" tulad ng pagpapakita ng kataparan sa ibang partido.
Ginawa ni Pacquaio ang pagsibak sa tatlo kahit nasa Amerika siya habang nagsasanay sa magiging laban kay Errol Spence Jr.--FRJ, GMA News