Dahil sa pagiging alisto ng isang rider ng isang delivery service app, nasakote ng mga pulis ang isang Chinese matapos niyang tanggapin ang ipina-deliver na paper bag na may laman na shabu sa Makati City.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ng delivery rider na itinago sa pangalang "Berto," na nagduda siya nang sabihin na face mask lang ang kaniyang dadalhin gayung marami naman puwedeng mabilhan ng face mask.
Kaagad din umanong umalis ang nagpadeliver nang maiabot na sa kaniya ang paper bag.
Dahil nagdududa, sinilip at kinapa niya ang sinasabing face mask at may nakita siyang nakaumbok kaya ipinaalam niya na ito sa mga pulis.
Ang mga pulis, ipinatuloy naman ang pag-deliver sa package para malaman kung sino ang tatanggap.
Kaya nang kunin ng isang Chinese ang paper bag, inaresto na siya dahil may laman itong isa't kalahating gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P10,000.
Gayunman, itinanggi ng Chinese na may alam siya tungkol sa laman ng paper bag.
Dahil nagagamit sa ilegal na transaksiyon ang mga delivery service app ngayong pandemic, sinabi ng mga awtoridad na dapat magkaroon ng protocol na makita ng magde-deliver ang produktong ipapahatid sa kanila.
Nagsasagawa na rin ngayon ng imbestigasyon ang pulisya para malaman kung saan nanggaling ang shabu.--FRJ, GMA News