Nasawi ang isang binatilyong 13-anyos matapos mabundol at takbuhan ng bus sa EDSA Busway na sakop ng Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente bago maghatinggabi bahagi ng Dario Bridge.
Kasama ng biktima ang dalawang kaibigan nang mangyari ang insidente.
Ayon sa isang kasama ng biktima, tumawid sila sa north bound way ng EDSA papuntang busway para manguha umano ng kahoy na panggatong.
Ngunit hindi pa sila nakakakuha ng kahoy ay nahagip na ang biktima. Sandali umanong tumigil ang bus at tumingin lang ang konduktor at saka umalis.
Sinabi ng kaibigan ng biktima na tinangka nitong habulin ang bus na mabilis na nakalayo.
Masama naman ang loob ng lola ng biktima sa ginawang pagtakas ng driver ng bus na nakadisgrasya sa kaniyang apo.
"Bakit ganon tinakbuhan nila. Kahit man lang dinampot nila yung bata. Sana lumitaw magpakita naman sir," saad ng lola.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at mangangalap sila ng CCTV footage para matukoy ang bus na nakabangga sa biktima.-- FRJ, GMA Integrated News