Kumaripas ng takbo ang isang lalaki matapos niyang masaksihan kung gaano kalakas ang isang tigre na kayang gibain ang isang bakal na gate sa China.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang lalaki sa Boli County sa China na lumabas sa kanilang tinutuluyang farm.
Eksakto naman ang pagdaan ng isang tigre sa labas ng gate sa harap ng farm kaya sinabihan ng kasamahan ang lalaki na huwag nang lumabas.
Pero hindi nakinig ang lalaki at lumabas pa rin ng gate at tila sinilip ang dumaang tigre.
Maya-maya lang, tila natataranta nang bumalik sa loob ang lalaki at isinara ang gate. Sa pagkakataong iyon, bumabalik na pala ang tigre.
Parang sasakyan na dire-diretsong dinamba ng tigre ang bakal na gate.
Sa lakas ng tigre, nasira nito ang gate pero mabuting hindi natumba kaya hindi niya nakuha ang lalaki, na nagmamadaling tumakbo sa loob.
Ayon sa kanilang Forestry and Grassland Bureau, isa pang residente sa lugar ang inatake at nakagat ng tigre.
Dinala sa ospital ang residente dahil sa tinamong sugat sa kamay.
Hinahanap na rin umano ang naturang tigre na sinasabing isang Siberian tiger.
Ayon sa mga awtoridad, dumadami na ang populasyon ng naturang mga tigre dahil na rin sa gumagandang ecosystem sa kanila.
Nitong mga nakaraang taon, nakikita umano ang mga Siberian tiger sa mga lugar na hindi naman nila tradisyunal na pinupuntahan.
Ang problema, kilalang "territorial" ang mga Siberian tiger, ayon sa mga eksperto.
"If their natural habitat is insufficient of food resources are scarce, when hungry or injured, they may take risks, such as preying on livestock or even attacking humans," ayon Sun Quanhui ng World Animal Protection.
Winter din ang mating season ng Siberian tigers kaya mas malayo raw ang nalalakbay ngayon ng mga naturang tigre. --FRJ, GMA Integrated News