Duguan at nakahandusay sa damuhan nang makita ang isang babae na nagtamo ng mga saksak sa katawan sa Las Piñas. Nakilala kinalaunan ang biktima, at maging ang suspek dahil sa magkasunod sa text at tawag sa cellphone ng babae.
Sa ulat ni Niko Waje sa GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nagtamo ng 25 saksak sa katawan ang biktima, at hindi na umabot nang buhay nang madala sa ospital.
Kuwento ng isang security guard, may nadinig siyang sumisigaw na may sinasaksak kaya pinuntahan niya ang lugar. Nang ire-report niya sa pulisya ang insidente, may nakita siyang lalaki na nakasunod sa kaniya at nakatinginan niya.
Lumitaw na ang lalaki ay asawa ng biktima na kinalaunan ay naging suspek dahil sa text message umano nito sa cellphone ng babae na hindi pa tukoy noon ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Police Major Knowme Sia, pinuno ng Investigation and Detective Management Section ng Las Piñas Police, nang iti-turnover na ng SOCO ang cellphone ng babae, may nagpadala rito ng mensahe na 'Goodbye.'
Dahil dito, naging person of interest ng pulisya ang lalaking nakasaad ang pangalan na nagpadala ng mensahe.
Kinalaunan, may tumawag naman sa cellphone ng biktima na isang delivery rider para ipaalam ang inihatid niyang parcel nito.
Dito na nakilala ng mga pulisya ang biktima na si Janilyn Quinto, at kaagad nilang pinuntahan ang bahay nito sa Pasay.
Sa bahay, inabutan din nila ang isang lalaki na lumitaw na asawa ng biktima at siyang nagpadala ng text message na "goodbye."
Pero ayon kay Sia, nabura sa cellphone ng suspek ang "goodbye."
Nang dalhin sa police station ang lalaki, kumpirmado siyang kinilala ng security guard na nakita sa lugar kung saan pinatay ang biktima.
"Nag-iisang anak ko lang na babae yan. Parang hindi ko matanggap na nagawa niya 'yan. Sana hiniwalayan niya na lang [ang anak ko] eh, hiwalay naman na sila," saad ng ina ng biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa krimen habang itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.—FRJ, GMA Integrated News