Naaresto sa bayan ng San Remigio sa Cebu ang suspek sa pagpatay sa 22-anyos na babae na nakita ang bangkay na itinapon sa seaside sa South Road Properties (SRP), Cebu City.
Sa ulat ni Decemay Padilla sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ni Police Major Efren Diaz, Jr., hepe ng Mambaling Police Station sa Cebu City, na si Godofredo Brufal.
Nadakip si Brufal sa Barangay Sab-a sa San Remigio dakong 1 a.m. kanina sa pakikipagtulungan ng San Remigio Police.
Nakita umano sa lugar ng suspek ang ilang gamit ng biktimang si Neca Denise Lagria, tulad ng cellphone, power charger, at sapatos.
May nakuha rin umanong baril na kalibre .38 sa suspek na may kasamang mga bala.
Umaga noong Nobyembre 19 nang makita ang bangkay ni Lagria, residente ng Liloan. Kinilala ng mga kaanak niya nitong Miyerkoles ang kaniyang labi.
BASAHIN: Babaeng nakitang patay sa seaside sa Cebu City, nakilala na; biktima, posibleng pinatay sa sakal
Lumalabas sa imbestigasyon na madaling-araw umalis ng kanilang bahay si Lagria sa Liloan para dumalo sa maagang pulong sa pinapasukang food establishment sa Mandaue City. Pero hindi nakapasok ang biktima, at hindi na rin nakauwi, at hindi na makontak ng kaniyang mga kaanak sa cellphone.
May nakitang sugat sa kaniyang leeg at marka na posible umanong sinakal ang biktima, ayon sa pulisya.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa suspek, sinasabing nagalit ito nang kagatin siya ng biktima nang nakawan niya ng halik.
Hindi pa inilalahad ng pulisya ang motibo sa krimen at kaugnayan ng suspek sa biktima. Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang suspek sa media.
Sa hiwalay na ulat ni Gabriel Bonjoc ng Super Radyo dzBB, sinabing inaresto rin ang pamangkin ng suspek dahil sa may kinalaman din umano ito sa krimen.
Prime suspek na nasa likod ng natagpuang bangkay ng isang babae sa Cebu City, arestado na. | via Gabriel Bonjoc, Super Radyo Cebu pic.twitter.com/MxUiZWpa8A
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 21, 2024
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa Mambaling Police Station habang hinihintay ang kasong isasampa laban sa kaniya.
(Info via Decemay Padilla/DYSS Super Radyo GMA and Alan Domingo/GMA Regional TV Balitang Bisdak)
-- FRJ, GMA Integrated News