Mapanonood din ng mga Pinoy sa Europe ang pagpapatuloy ng love story nina Ethan sa Joy sa "Hello, Love, Again!"

Ang pelikulang pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo ay ipalalabas sa ilang piling sinehan sa France, Spain, Ireland, Finland, at Malta simula sa November 23.

Hanggang nitong November 18, nakatanggap "Hello, Love, Again", na sequel sa 2019 blockbuster hit na "Hello, Love, Goodbye," ng 96% Popcornmeter rating mula sa film and TV review website na Rotten Tomatoes.

Nitong Martes, dumating sina Kathryn at Alden sa Los Angeles para i-promote doon ang "Hello, Love, Again."

Bukod sa Europe at North America, ipalalabas din ang pelikula sa East Asia, at maging sa Middle East.

Simula sa Nov. 21, mapapanood na ang "Hello, Love, Again" sa ilang sinehan sa Brunei:

  •     The Mall Cineplex
  •     Times Square
  •     One Cineplex
  •     Times Cineplex Kuala Belait

Nagtala na ng bagong box-office record ang "Hello, Love, Again" matapos kumita ng P131 million gross sa loob lang ng isang araw noong November 16.

Sa loob naman ng limang araw sa mga sinehan sa Pilipinas, kumabig na ang pelikula ng kabuuang P520 million sa takilya.

Iniulat na ang bahagi ng kita nito ay mapupunta sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo.—FRJ, GMA Integrated News