Kabilang si Gil Nartea sa mga halos araw-araw na kasama ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa trabaho bilang hepe ng mga close-in photographer sa Palasyo. Binalikan niya ang mga alaala kung gaano kasimpleng tao ng namayapang dating lider ng bansa.
Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, itinuturing ni Gil na ang pagiging isang official photographer ng pangulo ang pinakamataas na credential niya bilang isang beteranong litratista.
Pero bago pa man maging pangulo, si Gil na ang kumukuha ng mga larawan ni Noynoy kahit noong senador pa lang ang huli.
“Malaki ang ipinagbago niya. Parang naging mas matured siya nu'ng tatakbo siya [pangulo]. Nag-iba 'yung kilos niya. Although behind the scene, kung kami-kami lang namang mga staff o mga kaibigan niya. Siyang-siya pa rin, PNoy na PNoy pa rin,” patungkol ni Gil pagiging karaniwang tao ng dating pangulo kapag malayo sa paningin ng iba.
Bagaman estrikto sa trabaho, hindi nakakalimutan ni Noynoy na paalalahan sila pagdating sa kanilang pamilya.
"Tata Gil, paano ang pamilya mo? Lagi ka na lang nandito,” sabi ni Gil na nababanggit sa kaniya ng namayapang dating pangulo.
Naalala ni Gil nang sabihin sila ni Noynoy sa isang bisperas ng Pasko na umuwi para makasama ang kani-kanilang pamilya.
Galante rin umano ang dating pangulo pagdating sa kanilang mga empleyado.
Nang minsan umanong tumingin ng sapatos si Noynoy, sinabihan silang lahat na kasama na magsukat ng sapatos na gusto nila.
Ang perang ipinambayad, galing sa sariling bulsa ni Noynoy.
Nakita rin ni Gil kung gaano kalapit si Noynoy sa kaniyang mga pamangkin tulad nina Bimby at Josh.
“’Yung mga pasyal-pasyal niya, ‘yan ‘yung mas madalas bata yung kasama niya, ‘yung dalawang pamangkin niya. Para siya talagang hindi siya Presidente 'pag sa mga panahon na ‘yun, sa mga time na yun, parang ordinaryong tao lang siya," kuwento ni Gil.
"Kung makikita ninyo meron siya, nagtatali siya ng sapatos habang naglalakad siya. Pag o-order sa mga fast food, siya ang pumipila-- siya ang umo- order para sa mga kasama niya,” patuloy ni Gil.
Nakita rin ni Gil ang pangungulila ni Noynoy kapag nag-iisa bilang isang binata.
“May litrato ako diyan na nasa eroplano siya, nakatingin siya sa bintana. Wala siyang katabi, siya mag-isa lang, parang yun ang buhay. Naging faithful siya sa pagiging Head of State,” ani Gil.
Ayon kay Gil, palabiro at mabuting tao si Noynoy.
Naalala niya ang ginawa ni Noynoy kapag nasa biyahe dahil nag-iikot ito sa gabi para tingnan kung sino ang naghihilik at nakanganga kapag natutulog.
Kinabukasan, ikukuwento niya ito para gawing biruan.
Nang matapos na ang termino ni Noynoy, sinabi ni Gil na nag-iiwan siya ng larawan sa bahay ng kaniyang dating boss tuwing kaarawan nito bilang regalo.
Taong 2019 nang huli niyang nakita si Noynoy kaya ikinabigla niya nang mabalitaan niyang pumanaw na ito.
Huwebes nitong nakaraang linggo nang pumanaw sa edad na 61 si Noynoy dahil sa renal disease secondary to diabetes.
Sa pagpanaw ni Noynoy, naniniwala si Gil na, “Nagawa niya na ang dapat niyang gawin.”--FRJ, GMA News