Ikinuwento ng driver ng pamilya Aquino ang mga huling sandali bago nila isinugod sa ospital si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III nitong Huwebes ng umaga nang bawian siya ng buhay.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ikinuwento ni Nory Mariano, na dakong 5 a.m. nitong Huwebes nang puntahan niya ang kuwarto ni Aquino sa bahay nito sa Times Street sa Quezon City.
Sa labas ng kuwarto, nandoon ang dalawang bantay at kinumusta niya ang lagay ng dating presidente.
“Sabi nung nagbabantay, okay naman, hindi naman nag- buzzer," patungkol ni Mariano sa buzzer kapag may kailangan si Aquino.
Ayon kay Mariano, sinabi ng kanilang kasama sa bahay na si Yoly na nagbilin sa kaniya si Aquino na mag-aalmusal ito sa Huwebes ng umaga.
Kaya pumasok si Yoly sa kuwarto para tanungin sana ang dating pangulo kung ano ang gusto niyang almusalin.
“Ngayon, biglang lumabas, pinuntahan ako ni Yoly. Sabi niya, 'Kuya Nory, baka pwedeng mong puntahan si sir. Kasi kung papaano ko siya iniwan kagabi, ganoon din ngayong umaga.' Nasa lazy boy siya nakaupo,” ayon kay Mariano.
Kaagad daw nilang tinawagan ang duktor ni Aquino na nagpadala naman ng ambulansiya.
Nang dalhin nila si Aquino sa Capitol Medical Center, doon na kinumpirmang pumanaw na ang 61-anyos na dating pangulo.
Ayon naman sa pamangkin ni Aquino na si Miguel Aquino-Abellada, noong Father’s Day niya huling nakita ang tiyuhin.
Inihayag daw ng dating pangulo na plano nitong ipakondisyon ang sasakyan para bumiyahe sa labas ng Metro Manila.
“Yung action niya for the week was papaayos niya, papa-tune up niya ‘yung mga kotse niya dahil he planned to go to Baguio, Tarlac, o Tagaytay to relax soon,” ani Miguel.
“Tapos ‘yun, after two hours, medyo napagod na siya kasi he was sitting up. Humingi siya ng paumanhin sa amin and then sabi niya, medyo hirap na siya, so he went back and we had left,” dagdag niya.
Idineklara ng ospital na renal disease secondary to diabetes ang sanhi ng pagkamatay ng dating pangulo.
Napag-alaman na nagda-dialysis na si Aquino at may plano na sumailalim siya sa kidney transplant at pinapalakas lang ang kaniyang katawan.
Nakatakdang ilibing si Aquino sa Sabado sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, kung saan nakahimlay ang kaniyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon Aquino at dating senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.--FRJ, GMA News