Inihayag ni presidential spokesperson Harry Roque ang mga pangalan na ang isa ay posibleng basbasan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang presidential candidate ng administrasyon sa Eleksyon 2022.
Kabilang sa mga nabanggit sina Davao city mayor Sara Duterte at Senador Bong Go.
Pero ayon kay Roque, hindi pa rin sang-ayon ang nakatatandang Duterte na tumakbong pangulo ang kaniyang anak sa susunod na halalan.
“Wala pa po siyang desisyon as to who might run: Mayor Sara, Senator Manny Pacquiao, former Senator Bongbong Marcos, Jr., and even Manila Mayor Isko Moreno,” sabi ni Roque nitong Huwebes.
“‘Yan ang mga naririnig ko, including Senator Bong Go,” dagdag niya.
Si Pacquiao ang presidente ng PDP-Laban party, na ang tumatayong chairman ay si Pres. Duterte.
Miyembro naman ng partido sina Moreno at si Go, na long-time aide at pinagkakatiwalaan ng pangulo.
Kamakailan lang, nagpunta naman si Bong Marcos, kasama ang kapatid niyang si Sen. Imee Marcos, sa Davo City para batiin si mayor Sara na nagdiwang ng kaarawan.
Una rito, sinabi ni House Ways and Means chairman at PDP-Laban stalwart Rep. Joey Salceda, naniniwala siyang tatakbong pangulo sa 2022 si Sara.
Limang partido umano ang handang tumulong kay Sara.
Gayunman, sinabi ni Roque na wala siyang alam kung nakapagdesisyon na ang anak ng pangulo.
“Ang alam ko po wala pa siyang desisyon and wala pa rin siyang pronouncement,” ani Roque . —FRJ, GMA News