Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaking maysakit at hindi na nakalalakad matapos masunog nang buhay sa lava na dulot ng pagsabog ng Mount Nyiragongo sa Goma, Democratic Republic of Congo.

Ikinuwento ni Ernestine Kabuo, isa sa libo-libong residente na pinalikas, na hindi niya naisama pa ang kaniyang asawa at sa kasamaang-palad ay inabot ng lava ang kanilang bahay.

"I was with my husband, who is too old and he didn't want to leave the house because he was sick, he couldn't walk. I said to myself, I can't go alone, we've been married for the best and for the worst," sabi ni Kabuo.

"I went back to at least try to get him out but couldn't. I ran away and he got burned inside. I don't know what to do. I curse this day," pagpapatuloy pa niya.

Sa video na kuha ni Enoch David, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita ang unti-unting paglamon sa mga kabahayan ng nagbabagang lava sa Goma, matapos sumabog ang Mount Nyiragongo noong Mayo 22.

Ilang residente ang tinangkang iligtas ang kanilang mga kagamitan sa kabila ng panganib.

Sa isang aerial video naman na kuha ng MONUSCO, makikita ang pagdaloy ng lava mula sa bulkan na bumaba sa Goma, na nasa dalawang milyon ang populasyon.

Kasalukuyang isolated ang Goma nang matabunan din ang pangunahing kalsada nito. Naging pahirapan din ang biyahe lalo sa pagitan ng Goma at Rwanda.

Hindi bababa sa 32 katao ang naitalang patay sa volcanic eruption nitong Mayo 25.--FRJ, GMA News