Kinuwestiyon ni Senador Cynthia Villar ang patakaran ng pamahalaan na panatilihin sa loob ng bahay ang mga nakatatanda o senior citizen kahit pa kompleto na ang bakuna laban sa COVID-19.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado tungkol sa kalagayan ng mga industriyang naapektuhan ng COVID-19 pandemic, pinagtalunan nina Villar at Sen. Nancy Binay, ang naturang patakaran patungkol sa mga senior citizen na manatili pa rin sa bahay kahit bakunado na.
“Vaccinated na sila, why did you vaccinate them if you will not allow them to get out?” ayon sa 70-anyos na si Villar, na binigyan-diin din na inilagay sa priority list ng bakuna ang mga nakatatanda.
Sinabi naman ni Binay na posibleng payagan nang lumabas ng bahay ang mga nakatatanda kapag nabakunahan na rin ang mga manggagawa na nasa A4 priority list.
“Siguro 'pag nandiyan na 'yung A4, because ‘yung seniors natin, pwede silang mag-spread ng virus, kasi ‘di ba, kahit vaccinated ka na, you can still get the virus, asymptomatic, but you’re spreading,” paliwanag ni Binay.
Ngunit para kay Villar, para saan pa na ginawang priority ng pamahalaan sa bakuna ang mga matatanda kung hindi naman sila palalabasin kahit nakompleto na dalawang dose ng bakuna.
“What’s the use? Parang ang labo no’n,” puna niya.
Ayon naman kay Binay, ang pag-una sa mga matatanda na bakunahan ay para hindi sila magkaroon ng matinding sakit o masawi kapag nahawa ng COVID-19.
“Kasi 'yung mga senior citizens natin, sila ‘yung pwedeng mag-cause ng collapse ng health system natin kasi sila ‘yung prone (sa COVID-19),” paliwanag niya.
Depensa naman ni Villar, may proteksiyon na sa COVID-19 ang mga matatanda ngayong bakunado na sila kaya dapat na silang payagan na lumabas ng bahay.
“Ako kung magka-flu ako na mild flu, okay na ‘yon, basta 'wag lang akong mamatay o 'wag lang akong magkakaroon ng serious na ma-o-ospital ako. That’s the assurance of vaccine,” aniya.
“’Di ko nga maintindihan ‘yung 65 (anyos), anybody beyond 65, ‘di puwedeng lumabas kahit na vaccinated. Maliit na ang risk mo doon e. Flu lang, not death nor…serious COVID illness,” dagdag ni Villar.
Paliwanag naman ni Binay, puwedeng tamaan pa rin ng COVID-19 ang mga nakatatandang may bakuna na at maging "spreader" o makapanghawa sila ng iba.
Pero sagot dito ni Villar, “Lahat tayo spreader. In other words, bakit naman mo pinagbawalan ang senior citizens… Everybody is like that, kawawa naman 'yung mga senior citizen. Baka naman maloko na ‘yon sa bahay.”
Ayon naman kay Binay, maaari namang malagay sa alanganin ang kalusugan ng manggagawa, kabilang ang restaurant servers na hindi pa bakunado, kung papayagan na ang mga may bakunang senior citizens na lumabas dahil sila lang ang may proteksiyon laban sa COVID-19.
“When we go to a restaurant na ang mga waiter natin ay hindi nababakunahan, parang baka naman ‘yung mga waiters natin sa restaurant, sila naman 'yung magkaka-COVID,” aniy Binay.
Ayon kay Eric Teng, presidente ng Restaurant Owners of the Philippines, kabilang sa dumalo sa pagpupulong, pinapayagan na sa Amerika at Israel ang mga nakatatanda sa mga nagbukas na restaurant.
Sinuportahan ni Villar ang posisyon ni Teng na maaaring gawin na rin ito sa Pilipinas.
“Lowest infection in the US is 30,000 per day. Malaki 'yun, kasi ang US 300 million (ang population), 30,000 per day. Tayo nga na walang herd immunity, ang ano (record) natin, 6,000 out of 100 million. ‘Yung 30,000 parang 10,000 per 100 million ‘yun. Mas mababa pa tayo sa US,” paliwanag ni Villar.
“Bakit sila open sa lahat? Tayo e ang higpit higpit, 'di ba?” dagdag niya.
Ngunit ipinaliwanag ni Binay na malapit nang makamit ng US at Israel ang kanilang "herd immunity" laban sa COVID-19.
Kasabay nito, iminungkahi ni Teng na bigyan ng special area sa mga restaurant o iba pang establisimyento ang mga nakatatanda.
Dapat din umanong balansehin ang karapatan ng mga manggagawa na hindi gustong magpaturok ng COVID-19 vaccines.
“We are not forcing everyone in the A4 to get vaccinated. Therefore, we must never use that as a pre-qualifier for allowing people into our restaurants to come to work. We’re just trying to balance things out,” aniya.
Sinabi ni Vaccine czar Carlito Galvez, Jr., na sisimulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga A4 at A5 priority groups kapag naging sapat na ang supply ng COVID-19 vaccine sa bansa.—FRJ, GMA News