Nahaharap sa reklamo ang isang barangay kagawad at  asawa ng barangay secretary sa Tondo, Maynila na sangkot umano sa pagdaraos ng street boxing na ipinagbabawal pa rin dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, mapapanood sa video ng MPD Station 1 ang suntukan ng dalawang lalaki sa kalye na sinasabing edad 18 at 16 sa Gagalangin sa Barangay 182.

Bukod dito, dikit-dikit rin ang mga nanonood at karamihan ay walang suot na face masks at face shield.

Ipinagbabawal ang contact sports sa ilalim ng General Community Quarantine "with heightened restrictions" sa Metro Manila, ayon na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Una rito, sinabi ng kapitan ng barangay na tapos na ang laban at wala nang tao nang puntahan nila ang lugar kasama ang mga pulis.

Hindi raw inaprubahan ng barangay ang boxing, na isinabay sa kapistahan ng kanilang patron.

"Naglibot po tayo. Sa lahat ng mga napagtatanungan natin puro kagigising, puro wala po sila sa pinangyarihan," sabi ni Kapitan Jaime Laurente ng Brgy. 182.

"Wala po tayong inaresto dahil pagdating po ng pulis wala pong gustong magsalita, pero may nagbigay po na pangalan. 'Yun po 'yung tinutumbok natin ngayon na pa-file-an natin ng kaso," ayon naman kay Police Lieutenant Colonel Paul Doles, Commander ng Manila Police District Station 1.

Sinampahan na ng reklamo sa piskalya si Kagawad Arnel Saenz ng Brgy. 182, anak niyang si Vincent, at isang Lawrence Bindoy na asawa ng barangay secretary.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng mga inireklamo pero wala sila sa kanilang lugar nang puntahan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News