Humingi ng paumahin at umamin na nakainom ng alak ang lalaking inaresto at kinasuhan dahil sa pagbaba sa riles ng tren ng MRT-3 para magpa-picture.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang video grab sa pagtalon ng isang lalaki sa platform papuntang riles habang wala pang dumadaang tren sa Quezon Avenue Station ng MRT-3.

Kinilala ang mga suspek na sina Jerald Oliva, ang nagpakuha at pumorma sa riles, at Rey Llasos, na siyang may hawak ng camera.

Ayon sa dalawa, hindi nila alam na bawal ang kanilang ginawang pagbaba sa riles.

"Nakainom po kami. Katuwaan lang po. Nanghihingi po ako ng tawad eh na hindi na uulitin," sabi ni Oliva.

"Hindi ko po kasi alam na bumaba siya sa riles eh, eh bigla po kaming nagpiktyuran," ayon naman kay Llasos.

Tila nadagdagan naman ang problema ni Oliva na malapit na raw manganak ang asawa.

"Maiyak nga 'yung misis ko kahapon eh kasi malapit na siyang manganak, wala kaming ipon, wala pa kaming trabaho," ayon kay Oliva.

Sinabi ng pamunuan ng MRT-3 na delikado ang ginawa ng mga lalaki dahil maraming bahagi ng riles ang may kuryente na posibleng ikamatay nila.

Kapag may nangyari namang disgrasya, posible ring madamay ang train system.

"Siguro puwede nating ikunsidera na 'yung mga ganitong klaseng pasahero ay hindi na pinasasakay dahil they pose a great danger not only to our rail system but also to the public as well," sabi ni Assistant Secretary Eymard Eje, OIC, General Manager ng MRT-3. --Jamil Santos/FRJ, GMA News