Hindi mangyayari ang inaasahang debate nina Pangulong Rodrigo Duterte at retired Supreme Court Justice Antonio Carpio tungkol sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, sinunod ni Duterte ang payo ng mga miyembro ng Gabinete na huwag nang gawin ang debate dahil wala itong mabuting idudulot sa bansa.
"Handang-handa po sana ang Presidente na dumebate. Pero kagabi po, tinanggap po niya ang advice ng ilang mga miyembro ng Gabinete...Wala pong mabuting magiging resulta ang debateng ito para sa sambayanang Pilipino," sabi ni Roque nitong Biyernes.
'Di na sasabak si Pangulong Duterte sa debate dapat nila ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, ayon kay Presidential spokesperson Roque. Basahin ang mga detalye: https://bit.ly/2RyO5O0
Posted by GMA News on Thursday, May 6, 2021
Gayunman, si Roque umano ang haharap para makipagdebate kay Carpio.
Una rito, sinabi ng Philippine Bar Association na handa silang pangasiwaan ang debate.
Ginawa ni Duterte ang hamon kay Carpio sa kaniyang televised address nitong Miyerkules, nang batikusin niya muli ang dating mahistrado tungkol sa pag-alis ng Navy ship ng Pilipinas noong 2012 standoff sa China sa Scarborough Shoal.
Nangako si Duterte na magbibitiw kapag napatunayan na mali ang kaniyang akusasyon laban Carpio at pag-alis ng barko ng Pilipinas kaya nakontrol ng China ang shoal.
Itinanggi naman ni Carpio nitong Huwebes na may kinalaman siya sa nangyari sa Scarborough Shoal dahil miyembro siya noon ng Korte Suprema.
Hinamon niya si Duterte na tuparin ang pangako na magbitiw na sa puwesto.
Bago ang pahayag ni Roque, sinabi ng mga kaalyadong senador ni Duterte na sina Senate President Vicente Sotto III at Senator Aquilino Pimentel III, na walang mabuting idudulot sa mga Filipino ang debate.—FRJ, GMA News