Sisimulan na sa Biyernes, Abril 30, 2021 ang online registration para sa mga gustong makakuha ng national ID  ng National Identification System.

Sa isang ulat ng GTV "Balitanghali," sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua, kukunin sa online system ang demographic data ng mga aplikante national ID.

Gayunman, kailangan pa rin pumunta ang aplikante sa registration para sa biometrics at sa pagbubukas ng kanilang bank account.

Sinabi pa ng opisyal na tutulungan sa ilalim ng programa ang mga mahihirap para makapagbukas ng kanilang bank account.

Ayon kay Chua, makatutulong ang national ID system para mapadali ang pamamahagi ng "ayuda" o pinansiyal na tulong.

Magagamit din umano ang national ID para mapabilis ang programa ng pamahalaan sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Una nang kumuha ng nationa ID si Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong nakalagay na Philippine Identification System (PhilSys) Act number, full name, facial image, sex, date of birth, blood type, at address.

Taong 2018 nang maging batas ang national identification system para mapag-isa na lang ang mga ID na ginagamit sa transaksiyon sa gobyerno.

Target ng programa na mairehistro ngayong 2021 ang nasa 20 milyong Filipino.--FRJ, GMA News