Tatlong magkakaibigang lalaki na nakaistambay sa labas ng isang bahay sa Santa Cruz, Manila, ang nahuli-cam na sapilitang isinakay sa sasakyan ng mga armadong lalaki.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras“ nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Rexcell John Hipolito, 23-anyos; Ronald Jae Dizon, 21; at Ivan Serrano, 18.
Nangyari ang insidente noong Abril 7, dakong 1:00 pm. Pero hanggang ngayon, wala pa rin impormasyon ang pamilya ng tatlo kung nasaan sila.
Ang isa sa mga biktima, OFW ang ina na kasalukuyang nasa Middle East na labis ang pag-aalala.
“Sobrang hirap po talaga na malayo ako, nag-iisip ako. Sa pagkakaalam ko wala naman ‘yan kaaway, wala siyang ginagawang masama. Papaano ko po siya mahahanap,” hinaing ng ina ni Hipolito.
Hindi raw sangkot sa ilegal na droga si Hipolito pero nasangkot daw ito sa gulo kamakailan.
“Nagkaroon po kasi ng maliit na rambolan diyan sa lugar namin. Hindi naman po siya ‘yung totally gumawa ng problema na ‘yan. Tapos nadawit po siya diyan. Hanggang sa ide-demanda po siya ng pamilya nung nakaaway nila. Ongoing po ‘yung kaso,” kuwento ng ina.
Sabi pa ng ina, “Tapos nung time na nag cash bond kami, nangyari na nga po ‘yan. ‘Yung pagkakawala ng anak ko.”
Ang ama naman ni Dizon, sinabing kalilipat lang sa Maynila ng kaniyang anak mula sa probinsiya kaya wala siyang maisip na dahilan para dukutin ito.
“Nabalitaan ko na lang po, nagtatrabaho ako, nadukot po eh,” ani Romeo Garcia Tala Jr., na nagsabing hindi rin nasangkot sa gulo ang anak.
Wala pang persons of interest ang pulisya sa ngayon tungkol sa kung sino ang kumuha sa tatlo.
Pero ayon kay Manila Police District director Brigadier General Leo Francisco, iniimbestigahan na nila ang kaso.
“Nakikiusap po ako ibalik niyo na po ‘yung anak ko. Nananawagan din po ako kay Mayor Isko Moreno, sir nagmamakaawa po ako sa inyo, tulungan niyo po ako. Bilang magulang, gusto ko po malaman kung asan ang ‘yung anak ko. Kung sino po kumuha sa kaniya,” hiling ni Hipolito.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ni Moreno tungkol sa insidente.--FRJ, GMA News