Isang doktor na malalim ang dedikasyon sa trabaho ang hindi na pinalad na makaligtas sa ikalawang laban niya sa COVID-19 nitong Marso. At kahit doktor na, nahirapan din siyang makahanap agad ng mapagdadalhang ospital.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing pumanaw sa edad na 55 ang anesthesiologist na si Dr. Ronald Torres Victorio.
Una siyang tinamaan ng COVID-19 noong Agosto 2020, at muling nagpositibo sa virus nitong nakaraang Marso.
Kuwento ni Dr. Hermie Maglaya, bukod sa nahirapan silang maihanap ng ospital si Victorio, huli na rin nang matuklasan na muling tinamaan ng virus ang kanilang kaibigan.
“Nagpunta kami sa iba’t ibang hospital. Actually pang pito po ang East Avenue sa napuntahang ospital ni doc [Victorio]. Kasi sa ibang mga ospital po hanggang parking lot lang po si doc,” kuwento ni Maglaya.
Sa datos ng Department of Health, lumitaw na 2,752 doktor na sa bansa ang nagpositibo sa COVID-19, at 33 sa kanila ang binawian ng buhay.
“Very sad kasi once na, it’s not an assurance when you’re a doctor, you can be assured to get an admission right away,” ayon kay Maglaya.
“Siguro kung hindi po kasagsagan ng COVID ngayon and mas maaga pong napa-admit si doc, at na-address po ‘yung mga sakit po niya,” dagdag niya.
Ayon pa kay Maglaya, mula nang tamaan ng COVID-19 si Victorio noong nakaraang taon, naging mahina na ang katawan nito at madali raw hingalin.
“After namin mag COVID, sabi niya hindi pa niya kayang mag- exercise ulit kasi mula matapos siyang mag-unang COVID, madali na siyang hingalin,” ani Maglaya.
Nagpaalala naman ang kaanak ni Victorio sa publiko na sundin ang health protocols.
“Hindi lang naman siya ‘yung nagsa-sacrifice marami. Marami, lalo na ‘yung mga frontliner natin na iniiwan ‘yung mga pamilya nila para matulungan ‘yung iba,” sabi Katrina Garcia, pamangkin ni Victorio. — FRJ, GMA News