Dalawang lalaki ang arestado sa Maynila dahil umano sa "hagis-singsing" modus kung saan kadalasang biktima nila ay mga seaman, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes.
Nahuli ang dalawa sa Kalaw Street kung saan madalas daw sila mambiktima. Naaresto sila matapos daw nakawin ang isang 18-karat gold ring ng isang seaman doon.
"Bubundulin ka nila, tapos tatakutin ka nila, tapos susundan ka nila kung saan ka pupunta hanggang sa mag-sorry ka," kuwento ni Police Lieutenant Colonel Evangeline Cayaban, hepe ng Ermita Police.
Oras na makumpirma na seaman ang biktima ay sisindakin daw ito ng mga suspek hanggang sa ipakita nito ang kaniyang singsing, na papalitan naman ng mga suspek ng peke.
Ayon kay Reynaldo Aguilar, isa sa mga suspek, ibinibenta niya sa Recto ang mga nakuhang singsing sa halagang P7,000. Aniya, nagawa lang niya iyon dahil sa matinding pangangailangan.
Kasamang naaresto ni Aguilar ang isang dating security guard na nagsilbi umanong lookout sa operasyon. Binabayaran daw siya mula P500 hanggang P1,000. Aminado siyang hindi niya gusto ang kanilang ginagawa at napipilitan lamang siya.
Tatlong complainants na raw ang lumapit sa pulisya kung saan ang isa ay 2018 pa nabiktima.
"Ang tingin ko marami pa silang nabiktima kaya nananawagan ako na for those na nabiktima ng taong ito na si Reynaldo Aguilar, na pumunta lang sila sa aming istasyon," paanyaya ni Cayaban.
Ayon kay Aguilar, hindi lang sila ang may ganoong gawain sa Maynila. Nahaharap siya at kasama niya sa reklamong robbery. --KBK, GMA News