Wala pa ring impormasyon ang mga kaanak ng dalawang lalaking dinukot sa Las Piñas noong Marso kung ano na ang kanilang kalagayan at sino ang mga kumuha sa kanila.
Nakunan ng camera ang ginawang pagdukot sa dalawang lalaki sa Las Piñas City na nitong Marso pa nawawala, kung saan makikita ang pagharang sa kanila ng isang convoy at pilit silang ipinasakay.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV ang paglabas ng magkaibigang sina Charles Dean Sotto, 30-anyos at Jonas Caleja, 26-anyos sa gate ng isang subdibisyon noong Marso 24 dakong 9 p.m. dahil mayroon umanong bibilhin.
Pauwi na ang mga biktima nang harangin sila ng apat na sasakyan. Lumabas ang mga sakay ng sasakyan, inakbayan ang mga biktima at pilit na isinakay.
Nakita ng guwardiya ng village sa gate ang pagkuha sa dalawang biktima pero wala siyang nagawa.
Sa isa pang kuha ng CCTV, nakita ang apat na sasakyang magkaka-convoy, na isang gold van, isang asul na kotse, isang gray na kotse, at gray na SUV.
Naghihinagpis ang pamilya ni Sotto, dahil wala pa rin silang natatanggap na imporasyon sa kalagayan nito.
Wala rin silang maisip na dahilan kung bakit dinukot ang mga biktima.
Hindi naman muna nagbigay ng komento ang Las Piñas Police tungkol sa insidente habang patuloy ang imbestigasyon sa pagdukot kina Sotto at Caleja.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News