Humingi ng paumanhin ang mga babaeng nakitang sinimot sa laman ng community pantry na itinayo sa Barangay Kapitolyo sa Pasig City.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, inilahad ng mga babae na hindi sila magnanakaw at nagpaalam daw sila sa tanod at may-ari bago sila kumuha mula sa pantry.

Wala rin daw silang intensiyon na solohin ang mga kinuha nila at katunayan, binigyan din nila ang kanilang mga kapitbahay.

Ilang kapitbahay ng mga babae ang nagsabing nakatanggap sila, pero meron ding nagsabing hindi sila nabigyan.

Pero ayon sa organizer ng pantry, puwede namang ang mga mismong kapitbahay na lang ng mga babae ang kumuha mula sa pantry.

"Siyempre po nasasaktan kasi kakaunti lang po naman din 'yon. Kaya po naming isauli 'yon kung ganiyan lang din po na ilalabas nila sa social media," sabi ni "Shawie," isa sa mga kumuha sa community pantry.

"Pagdating nila rito, shinare agad nila 'yung kinuha nila roon sa may community pantry. Kaya apat na itlog tsaka dalawang noodles, malaking bagay na para sa amin 'yun. Sana huwag natin silang i-bash kasi hindi po nila alam lahat 'yung totoong istorya," sabi ng isang lalaki na nabigyan ng mga babae.

""Hindi lang 'yung pamilya nila o hindi lang 'yung street nila 'yung mga nagugutom. Marami pa sanang gustong kumuha pero 'yun nga 'di nakakuha, kasi kinuha nila lahat," Carla Quiogue, nagtayo ng community pantry sa Kapitolyo, Pasig.--Jamil Santos/FRJ, GMA News