Pinapayagan na ng pamahalaan ng Israel ang kanilang mga kababayan na hindi na magsuot na face mask kapag nasa outdoor o open space.
Ang pagluluwag ay indikasyon na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa naturang bansa matapos na maging matagumpay ang kanilang mass-vaccination program kontra sa COVID-19.
Ayon sa ulat ng Reuters, nasa 81% ng mamamayan ng Israel na nasa 16-anyos pataas, ang nabigyan na ng dalawang doses ng Pfizer/BioNTech vaccine.
Naging mabilis na umano ang pagbababa ng kaso ng hawahan at nagpapaospital matapos ang pagbabakuna.
Gayunman, limitado pa rin ang mga dayuhan na pinapapasok sa bansa, at mga kababayan na bumabalik mula sa ibang bansa ay kailangan self-isolate.
Binabantayan umano ng Israel ang ibang virus variants na maaaring hindi kayang labanan ng bakuna.
Ayon sa kanilang Health Ministry, pitong kaso ng bagong Indian variant ang naitala at pinag-aaralan pa kung kaya itong labanan ng bakuna.
"We are leading the world right now when it comes to emerging from the coronavirus," ayon kay Prime Minister Benjamin Netanyahu. "[But] we have still not finished with the coronavirus. It can return."
Bagaman maaari nang hindi magsuot ng face mask sa labas o outdoor, pinapayuhan pa rin ng Health Ministry ang publiko na magsuot ng face mask sa indoor public spaces at lagi pa ring madala nito.
"Being without a mask for the first time in a long time feels weird. But it's a very good weird," sabi ni Amitai Hallgarten, habang nagpapaaral sa isang park. "If I need to be masked indoors to finish with this—I'll do everything I can."
Bagaman balik klase na ang kindergarteners, elementary at high school students, mahigpit pa rin ang bilin sa mga guro na dapat may sapat na ventilation sa silid-aralan at ipatupad ng social distancing at bawal ang extra-curricular activities sa mga teatro.
"This is still a non-vaccinated population [mga batang edad 15 pababa] that we want to safeguard," ayon kay Health Ministry official Sharon Alroy-Preis sa pahayag niya Army Radio. — Reuters/FRJ, GMA News