Stranded ngayon ang maraming mga motorista at mga pasahero sa Bicol region border checkpoint sa Del Gallego, Camarines Sur dahil sa bagyong Bising.
Hindi na kasi pinayagang makapasok ng Bicol ang mga magtutungo sana sa Visayas, Mindanao, probinsya ng Masbate, at Catanduanes.
Ang mga delivery truck, delivery van at mga pribadong sasakyan ay mahaba na ang pila. Ang iba naman ay bumalik na lamang sa kanilang pinanggalingan.
Ayon sa mga bantay sa checkpoint, Biyernes pa lamang ay nag-abiso na ang Office of Civil Defense (OCD) Bicol na pansamantalang ipagbabawal ang pag-byahe ng mga magtutungo sa Visayas at Mindanao dahil sa banta ng parating na bagyong Bising.
Karamihan sa mga stranded na nasa border checkpoint na Sabado pa lamang ng gabi. Ang iba naman ay dito na daw magpapalipas ng bagyo.
Mga pulis, sundalo at kinatawan ng Camarines Sur provincial government ang nagbabantay sa checkpoint.
Nitong Linggo ng umaga, makulimlim na ang kalangitan sa lugar. May mga pagbugso-bugso din na ulan ang nararanasan. —LBG, GMA News