Matapos na maging viral ang community pantry sa Maginhawa Street sa Quezon City, ginawa na rin ito sa iba't ibang lugar sa Luzon tulad ng NCR, Rizal at Laguna.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita na mahaba pa rin ang pila sa community pantry sa Maginhawa Street sa Diliman.
Nagpapatuloy ang pagdating ng mga donasyon gaya ng mga gulay, noodles, itlog, de lata at iba pa.
Itinayo ang community pantry para sa mga nakararanas ng paghihirap ngayong pandemya at naghahatid pag-asa sa mga walang wala na, tulad ng mga walang makain at nangangalakal ng basura.
Kaya matapos mapag-usapan sa social media, ginawa na rin ang community pantry sa ibang lugar tulad sa Barangay Pinyahan, Kamias, at Claro.
Sa community pantry sa Narra Street sa Barangay Claro sa Quezon City, nakilahok si Elmer Cordero na kabilang sa tinaguriang "Piston 6."
Ani Tatay Elmer, "Noong mangailangan ako, napakaraming tumulong at nagbigay. Panahon naman ngayon para tumulong at magbigay dahil napakarami pa ring nangangailangan." Naging posible raw ang pantry sa tulong ng Earth Island Institute Philippines.
Ginaya rin ito sa P. Noval sa Maynila.
"Nakakatuwa kasi akala namin kukuha lang nang kukuha 'yung tao pero nagugulat kami na mas marami rin pala 'yung nagbibigay. Nagpapadala na lang dito ng mga, tulad ng isang araw kanina may nagpadala ng kamote tsaka saging. Tapos kahapon may nagpadala ng bigas," sabi ni Tootz Vergara, nagtayo ng community pantry sa P. Noval.
Mayroon na ring community pantry sa Katarungan Village sa Muntinlupa, Los Baños, Laguna at East Road sa Malanday, San Mateo, Rizal.
"'Yung 'Mesa ng Pag-asa' ang purpose po niya ay tulungan 'yung mga kababayan natin na walang makain. Hindi naman lahat ay work from home," sabi ng leader na si Leaf Reyes.
"Kung buong komunidad ang nagtutulong-tulong, masu-sustain siya, hindi 'yon posible," ayon kay Ana Patricia Non na nagtayo ng Maginhawa Community Pantry. -Jamil Santos/MDM, GMA News