Isang ama ang nasawi matapos na hindi umano mabigyan ng sapat na atensiyong medikal sa isolation facility sa Batangas na pinagdalhan sa kanila ng kaniyang pamilya na tinamaan ng COVID-19.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kasama ng ama sa isolation facility ang kaniyang asawa at apat na anak.
Ayon sa maybahay ng lalaki, maayos naman ang isolation facility at naibibigay ang pangangailangan nila. Pero nang lumala ang kondisyon ng kaniyang mister, doon na nagkaproblema dahil walang medical personnel na nag-aasikaso sa kanila.
Nang ipaalam daw nila sa tauhan ng pasilidad na nakararanas na ng ubo ang kaniyang mister, pinadalhan lang sila ng gamot na lagundi pero walang duktor na tumingin sa kaniyang asawa.
At nang lalo pang lumala ang sitwasyon, wala na raw sumasagot sa kanilang tawag.
“Ang ginawa ko po, kinapalan ko na ang mukha ko kasi may kapitbahay po kaming pulis na nag-positive, pinakatok ko na po ‘yon para mapuntahan ‘yung guwardya sa dulo para mapuntahan ‘yong pinaka-front,” kuwento niya.
Nang may dumating na nurse, sinabihan lang siya na inatake ang kaniyang mister pero wala umanong ginawa upang subukan na i-revive ang kaniyang mister.
“Mukhang inatake si sir, ma’am. Mukhang wala na. Ganoon agad sinabi sa akin. Sabi ko ‘wala ka bang gagawin, kuya? Hindi mo ba ire-revive?’” anang ginang.
Ayon sa nurse sa pasilidad, nagpapahinga na sila nang mangyari ang insidente at aminado siyang hindi nila agad nasagot ang tawag na nasa nurse station.
“Lahat po kami dito nagpapahinga na so ang phone po kasi iniiwan namin sa nurse station so since nakaabang naman po kami noong time na ‘yon, hindi lamang po nasagot kaagad,” ayon sa nurse.
Kumuha raw kaagad sila ng ambulansiya para madala ang pasyente pero natagalan sila bago nakahanap ng ospital.
Nang makahanap na ng ospital, idineklarang dead on arrival na ang ama dahil sa atake sa puso.
“Kulang na kulang pa kami ng gamit since hotel setting nga lang po kami at ang mga tinatanggap lang po namin ay asymptomatic,” paliwanag ng nurse.
Aminado rin siya na wala silang oxygen sa pasilidad.
Batay sa DOH guidelines, dapat may isang duktor at dalawang nurse na nagbabantay sa mga katulad na pasilidad kahit mild o asymptomatic ang mga kaso.
“Lahat ng mga isolation centers, nire-require nila ‘yan. Bago nga ma-accredit ‘yang isolation centers ng DOH, dapat mayroon talagang o kung sa local government man ‘yan, mayroon silang doktor na umiikot at tsaka nagsu-supervise sa mga isolation centers,” ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega.
“Required talaga ‘yan na may doktor even for mild and asymptomatic. At least, ma-supervise ‘yong mga pasyente,” dagdag niya.
Sinabi ni Leopoldo na iniimbestigahan na ng DOH ang insidente.--FRJ, GMA News