Sa kabila ng kahalagahan ng contact tracing para ma-monitor ang pagkalat ng COVID-19, tila hindi siniseryoso ng ilang tao ang pagbibigay ng kanilang impormasyon. Ang iba, isinulat ang mga pangalang "Hitler" at "Spongebob" sa mga contact tracing form.
Sa ulat ni Lilian Tiburico sa "Stand for Truth", umamin ang ilang contact tracer sa Metro Manila, ang sentro ng COVID-19 cases sa kasalukuyan, na hindi rin nila natatawagan ang lahat ng nasa contact tracing forms.
Umaabot minsan ng mahigit 12 oras ang kanilang duty dahil sa dami ng mga nagpositibo sa COVID-19.
"Honestly, pen and paper na contact tracing hindi po ako sang-ayon diyan. Kasi unang una hindi naman lahat ng tao may dala na ballpen, so nagshe-share sila. Isa rin 'yan sa cause kung bakit kumakalat ang COVID," sabi ng field contact tracer na si Holly Gabrielle Dela Paz.
“Kunwari, merong pumuntang positive patient sa establishment, sa mall, matre-trace back ba namin lahat ng nagpunta doon? Hindi naman po,” ayon kay Dela Paz.
“Tsaka minsan hindi naman totoong info 'yung nilalagay ng mga tao. May nababasa ka roon ang pangalan Adolf Hitler, may pangalan Spongebob, maco-contact trace ba namin ‘yun? Minsan wala pang binibigay na cellphone number, hindi pa ho readable 'yung sulat. So, it's useless,” dagdag niya.
Sa kaso naman ng COVID-19 survivor na si Dr. Herbert Docena, Assistant Professor sa Unibersidad ng Pilipinas, hindi tinawagan ng mga contact tracer ang kaniyang mga naging close contact.
“Nagulat ako roon sa sinabi ng contact tracer, kasi sabi niya, effectively, parang 'Wag na sir kasi hindi rin naman namin matatwagan lahat ‘yan,'” sabi ni Docena.
"Kahit 'yung mga close contact ko na mismo na sinabi ko 'yung mga pangalan at contact details doon sa contact tracer, walang tumawag sa kanila," dagdag ni Docena.
Sa ngayon, mga miyembro na lang ng household o kaanak ng COVID-19 patient ang kino-contact trace ng tracers, kaiba sa ginagawa nila dati na umaabot sa second at third generation na contact.
Umamin ang contact tracing czar na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na bumaba ang antas ng contact tracing sa bansa na nasa 1:3 ratio na lang mula sa 1:7 noong Enero. Malayo ito sa ideal na 30 hanggang 35 na close contacts.
Nitong Marso, inihabilin ng pribadong kumpanya ang StaySafe app sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para gamitin bilang national tracing app. —Jamil Santos/LBG, GMA News