Umabot na sa mahigit 14,000 ang nasawi sa COVID-19 sa Pilipinas matapos madagdagan ng 242 ngayong Miyerkules. Lumitaw din na 133 kaso na unang naitalang gumaling ang napag-alaman na pawang nasawi pala.
Sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, nakasaad na 14,059 na ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng nasawi sa bansa dahil sa virus.
Noong Martes, naitala ang record-high na 382 na mga bagong nasawi.
BASAHIN: Iki-cremate sa Pasay crematorium, nakapila dahil sa pagdami ng namatay sa COVID-19
Kasama sa bagong datos ng DOH ang 6,414 na mga bagong positibong kaso ng COVID-19, para sa kabuuang bilang na 646,404. Habang nadagdagan naman ng 163 ang pasyenteng gumaling.
Ngayong 4 PM, Abril 7, 2021, ang Department of Health ay nakapagtala ng 6,414 na karagdagang kaso ng COVID-19. Samantala...
Posted by Department of Health (Philippines) on Wednesday, April 7, 2021
Mayroon namang 158,701 na active cases sa bansa, kung saan 97.5% ang "mild," 1.2% ang "asymptomatic," 0.5% ang "severe," at 0.5% ang "in critical condition."
Kasabay nito, natuklasan sa ginawang "final validation" sa mga nagdaang datos na mayroong 133 na kaso na dating nakalagay sa listahan ng mga gumaling ang natuklasan na pumanaw pala.
Sampung duplicated cases din ang inalis sa total case count.—FRJ, GMA News