Magdamagan na ang operasyon ng Pasay Public Crematorium dahil sa mahabang pila ng kailangan nilang i-cremate bunga ng pagdami ng nasasawi sa COVID-19. Maging ang mga nasawi na hindi naman dahil sa virus, cremation din ang pinipili dahi mas murang paraan daw ng paglilibing.
Iniulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules na ang karamihan sa mga nakapilang sasakyan sa labas ng crematorium ay may lamang bangkay upang ipa-cremate.
Noon Martes, 18 na sasakyan ang pumila sa labas, na sobra sa kapasidad ng crematorium. Pagdating ng hatinggabi, pitong sasakyan pa rin ang nakapila.
Naghihintay ang ilang sasakyan ng punerarya na matawag sila sa loob ng crematorium.
Ayon sa ulat, sobra-sobra ang dumating na mga katawan nitong Martes pero walang magawa ang pamunuan ng crematorium dahil kailangan nilang tapusin kahit na abutin sila ng hanggang madaling araw.
Nitong nakaraang linggo, 32 katawan ang dinala sa loob lang ng isang araw.
Ayon kay Laura Leonen, OIC ng Public Cemetery and Crematorium, magmula nang tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa Metro Manila noong ikalawang linggo ng Marso, naging 15 kada araw ang bilang ng kine-cremate ng bawat isa sa dalawa nilang makina, mula sa walo kada araw.
Ayon pa kay Leonen, inaaabot ng alas-dos ng madaling araw ang pag-cremate.
Base sa datos ng Pasay Public Crematorium, 46 ang bilang ng na-cremate nitong Enero ngayong taon, 63 nitong Pebrero, at sumipa sa 405 nitong Marso.
Palilinaw ng Pasay Public Crematorium, 60 porsyento ang COVID-related deaths sa kanilang kine-cremate.
"'Yung iba po kasi iba-iba ang ikinakamatay. Kaya lang po, mas pinipili po ng family na i-cremate kaysa ilibing. Dahil mas okay po sa kanila kung ike-cremate," ayon kay Leonen.
Dahil sa tila walang tigil na pagdating ng mga katawan, bumigay na ang isang makina sa crematorium, pero agad din namang naayos. Bumili na rin ang Pasay City LGU ng isa pang makina.
Ang NavoHimlayan naman na public crematorium ng Navotas City, hirap na rin ang kaisa-isang makina.
Kaya nitong linggo, sinusubukan nilang limitahan sa limang bangkay lang kada araw ang kine-cremate.
Sinabi ni Colie Jordan, administrator ng NavoHimlayan, na tumaas ng 200 porsyento ang kine-cremate nila mula Marso at hanggang sa pagpasok ng Abril, kung saan halos lahat sa kanila ay positibo sa COVID-19.
Mula Enero, anim kada linggo lang ang bangkay na dinadala sa kanila, pero mula nitong Marso, pito kada araw o 49 kada linggo ang ipinake-cremate sa kanila, kung saan 80 porsyento ay COVID-related deaths.
"Real talk, nangyayari sa amin din iyon, inaabot kami minsan ng instead ng 12 hours lumalagpas kami doon Pero hindi kami inaabot ng 20 hours, mga one hour lang ang delay sa dami. Kasi nakapila, eh. Iisa lang ang machine namin," sabi ni Jordan.
Pati sa Baesa Public Crematorium sa Quezon City, malaki rin ang itinaas ng bilang na pumalo sa 212 nitong Marso, mula sa 164 noong Enero at 125 noong Pebrero.
Limampu't tatlo rito ang COVID-19 cases habang 156 ang suspected cases.
Walo hanggang 10 bangkay kada araw ang kine-cremate sa Baesa. —Jamil Santos/LBG, GMA News