Posible umanong umabot sa isang milyon ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas bago matapos ang Abril sa harap ng pagdami ng nahahawahan ng virus, ayon sa OCTA Research group.
Sa inilabas na ulat nitong Lunes, sinabi ng grupo ng mga eksperto na sumusubaybay sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa, bagaman bumagal ang hawahan sa Metro Manila dahil sa ipinatupad na mas mahigpit na quarantine, tumaas pa rin ng 20% ang hawahan na katumbas ng 5,538 daily new cases sa nakalipas na mga linggo.
Nitong Linggo, iniulat ng Department of Health na 795,051 na ang COVID-19 cases sa bansa, kasama na ang 646,100 na gumaling at 13,425 na nasawi.
Ang "reproduction" number mula March 29 hanggang April 4 sa Metro Manila ay bumaba sa 1.61, na nangangahulugan na ang isang COVID-19 positive ay maaaring makahawa ng higit sa isang tao.
Ayon sa OCTA, ang reproduction number ay, “trending down towards 1.3 or less by April 11.”
Una rito, pinalawig ng Malacañang nang hanggang Abril 11 ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna and Rizal.
“It is clear that the lockdown has been effective in slowing down the increase in number of new cases in the NCR. With an additional week of ECQ… the goal is to bring the reproduction number down to 1 or close to it,” ayon sa OCTA.
Idinagdag ng grupo na mayroong “rapid increases” ng bagong mga kaso ng virus sa Mandaluyong, Las Piñas at San Juan.
“The goal is for these LGUs to have low or negative one-week growth rates in new COVID-19 cases very soon,” saad ni OCTA.--FRJ, GMA News