Ikinuwento ng isang anak ang hirap na kanilang pinagdaanan para maipasok sa ospital ang kaniyang ama na may sintomas ng COVID-19. Ang pasyente na taga-Metro Manila, nakarating sa Pampanga sa paghahanap ng ospital.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Melchie Garcia, na mula sa Novalichez, Quezon City ay 11 beses silang nagpalipat-lipat ng ospital noong Marso 29 hanggang sa makarating sila sa San Fernando, Pampanga pero wala pa rin silang nakitang pagamutan na tumatanggap ng pasyenteng may sintomas ng COVID-19.
Nang sandaling iyon, nakararanas daw ng lagnat, ubo at hirap sa paghinga ang kaniyang ama.
Sinubukan din nilang tumawag sa hotline na "One Hospital Command Center" na tumutulong sa mga pasyente na naghahanap ng ospital pero pang-32 pa raw sila sa pila.
Kinalaunan, na-admit ang kanilang pasyente sa isang ospital sa Valenzuela City pero naghintay muna sila ng 12 oras.
“Sabi ko, ‘Pa, lumaban ka. Kahit makarating tayong Batangas, Laguna, makahanap lang tayo ospital,” ayon kay Garcia.
Ang nangyari kina Garcia ay nangyayari din sa iba pang pasyente ng COVID-19 na nahihirapang makahanap ng ospital dahil napupuno na ang mga pagamutan sa dami ng mga nagkakasakit.
Una nang sinabi ng Department of Health na nasa "high risk" level na ang bed capacity ng malalaking ospitals sa Metro Manila para sa mga COVID-19 patient.
Nitong Huwebes, halos 9,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa bansa, at lumobo pa sa 138,948 ang mga aktibong kaso, o mga pasyenteng ginagamot at nasa mga quarantine facility. --FRJ, GMA News