Dahil bawal ang mga kamag-anak na magbantay sa mga pasyenteng may COVID-19, napipilitan ang ibang pasyente na sabihin sa mga healthcare worker ang kanilang habilin para sa mga mahal sa buhay bago sila "patulugin" upang lagyan ng "tubo" o respirator.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, ikinuwento ni Dr. Jubert Benedicto, pulmonary critical care specialist sa Philippine General Hospital, na tinatanong niya ang kaniyang pasyente kung may kamag-anak na nais tawagan o kausapin bago siya lagyan ng respirator o kabitan ng "tubo."
Ang tubo ay ipinapadaan sa bibig kaya hindi na makapagsasalita ang isang pasyente kapag nilagyan nito.
“[N]gayon pa lang po ba may gusto po ba kayong tawagan para makausap ninyo, na kayo ay kinakausap na wala pang tubo. Doon na, doon na nangagagaling. So papatawag 'yan ng anak niya, ng asawa niya,” ayon kay Benedicto.
“Tapos in front of you, doon na ‘yung mga habilin. So doon na ‘yung mga sasabihin nilang mag-ingat kayo, mahalin niyo si mama niyo. Talagang nakakatusok sa puso mo,” patuloy niya.
Si Dr. Claro Antonio, sinabing siya mismo ang binibilinan ng kaniyang pasyente na kritikal na kalagayan dahil wala rin ang mahal sa buhay.
“[Sabi ng pasyente] Doc, actually may savings ako, pakisabi na lang sa asawa ko na ganito po. ‘Yung ATM card ko nakalagay sa ganito, ‘yung password niyan ganito, may laman 'yan doc na ganito. Pasabi na lang po sa asawa ko,” kuwento niya.
“Nakakalungkot talaga,” dugtong ni Antonio.
Aminado si Benedicto na siya man ay nakadadama ng takot na tamaan ng virus at mangyari din sa kaniya ang nangyayari sa iba.
“Kada suot mo ng PPE, kada hakbang mo na nasa loob ka ng ospital, talagang nagpi-play sa isip mo na, ‘wag naman sana pero pu-puwede din mangyari sa'yo itong nakikita mo lahat,” saad niya.
“’Yung nakikita mong okay sila kahapon or two days ago tapos ngayon nagkikita na kayo sa emergency dahil hirap na huminga,” patuloy niya.
Ayon pa kay Benedicto, marami sa healthcare workers ang pagod na.
“Aminado talaga kaming pagod. Wala sigurong magsasabi sa inyong hindi kami pagod,” aniya.
Ayon naman kay Antonio, ginagawa nila ang lahat para sa mga pasyente, pero lubhang marami ang tinatamaan ng sakit at nasasagad na rin ang kanilang ospital.
“Sabi ko it’s not about the beds. Even ‘yung mga healthcare workers namin are also getting sick,” pahayag niya.--FRJ, GMA News