Nakapagtala ng panibagong 6,666 na mga bagong kaso ng COVID-19 infections ang Pilipinas ngayong Miyerkules, at may pitong laboratoryo pa ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos.

Dahil sa nadagdag na bilang, umabot na sa 684,311 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, at 91,754 nito ang aktibo o patuloy na ginagamot, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa naturang bilang ng mga aktibong kaso, 95.3 percent ang "mild," 2.5 percent ang "asymptomatic," 0.9 percent ang "severe" cases,  at 0.8 percent ang nasa "critical condition."

May panibagong 1,072 na pasyente ang nadagdag sa listahan ng mga gumaling para sa kabuuang bilang na 579,518. Samantalang 47 naman ang nadagdag sa mga nasawi na umabot naman ngayon sa kabuuang bilang na 13,039.

Una rito, inihayag ng DOH na dahil sa panibagong pagtaas ng COVID-19 cases nitong nakaraang mga linggo ay nahigitan na nito ang "peak" na naitala noong July at August 2020.

Inaasahan naman ng OCTA Research na bababa ang bilang ng hawahan sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan matapos ipatupad ang “National Capital Region (NCR) Plus" bubble, o paglimita sa galaw ng mga tao sa nabanggit na mga lugar.—FRJ, GMA News