Kasamang iniimbestigahan kung papaano napatay ang isa sa mga kasamang "asset" o impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nahuli-cam na naipit sa unang bugso ng putukan laban sa mga pulis pero hindi tinamaan sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong nakaraang linggo. Kasabay nito, nahuli-cam naman ang umano'y paggulpi ng mga pulis sa mga PDEA agent.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi" nitong Martes, makikita ang video ng unang bugso ng putukan ng mga tauhan ng PDEA at mga pulis ng Quezon City Police District sa tapat ng puting kotse na gamit ng PDEA.

Ang naturang kotse, nag-overheat umano kaya tumigil sa paradahan. Maya-maya lang, nagkaroon na ng putukan nang lapitan umano ng mga nakasibilyang pulis at barilin ang isang "asset" na kasama ng PDEA.

Sa naturang putukan, kapansin-pansin ang isang lalaki na nakasuot ng itim na damit na nakatayo at malapit sa driver side habang nangyayari ang barilan.

Nanatili lang sa kaniyang puwesto ang lalaki at hindi tinamaan sa naturang putukan, na ayon sa source ng GMA News ay asset din umano ng PDEA.

Sa isa pang video, ang naturang asset ay kinuha ng mga umano'y pulis at pagkatapos ng isang oras na putukan ay nakita siyang nakabulagta na katabi ng dalawang ahente ng PDEA.

May tama ng bala sa katawan ang asset at may sugat din na inaalam pa kung marka ng pambubugbog.

Ang ilang ahente naman ng PDEA na "sumuko" sa mga pulis, dinisarmahan at umano'y binugbog.

Ayon kay PDEA chief Wilkins Villanueva, hangga't maaari ay ayaw nilang magsalita dahil nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation sa nangyaring barilan.

Tiwala raw ang opisyal na lalabas kung ano ang totoo na dahan-dahan na umanong nakikita.

Nanindigan si Villanueva na lehitimo ang kanilang operasyon kaya hinamon niya ang QCPD na naglabas ng katibayan na nagsagawa ng "sell-bust" ang PDEA.

Sisikapin umano ng NBI na tapusin ang imbestigasyon bago magsimula ang ipatatawag na pagdinig ng Senado tungkol sa nangyari.

Hawak na rin ng NBI ang cellphone ng nasawing "asset" at pulis para alamin ang katotohanan. Bukod pa rito ang pagkalap ng lahat ng CCTV na nakakuha sa mga pangyayari at testimonya ng mga saksi.--FRJ, GMA News