Ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) director na si Dr. Gerardo Legaspi ang unang tinutukan ng bakunang panlaban sa COVID-19.
Ang CoronaVac ng Sinovac ng China ang ibinigay kay Legaspi na isinagawa ng nurse na si Chareluck Santos nitong Lunes sa PGH, at dinaluhan ng ilang opisyal.
“Si Dr. Legaspi ang nanguna sa atin sa laban na ito kaya karapat-dapat lang na siya ang unang tumanggap ng ating bakuna,” ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario.
“Kayong dalawa ay nasa kasaysayan na ng COVID-19,” dagdag pa niya patungkol kina Legaspi at Santos.
Tumanggap din ng bakuna ng Sinovac si Vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa PGH.
Ang seremonya ay isa lamang sa mga symbolic vaccination na isasagawa ngayong Lunes para mahikayat ang mga tao na magpabakuna.
Ilan pang opisyal ng pamahalaan na nagpaturok ng bakuna ay sina Food and Drug Administration (FDA) chief Eric Domingo at testing czar Secretary Vince Dizon.
Isinagawa ang pagbakuna ng Sinovac kay Dizon sa Tala Hospital (Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium) sa Caloocan City.
Linggo ng hapon nang dumating sa Pilipinas ang 600,000 Sinovac doses na donasyon ng China.
Gagamitin ang mga bakuna sa ilang ospital sa Metro Manila ngayong Lunes na opisyal na pagsisimula ng malawakang pagbabakuna sa bansa laban sa COVID-19.
Bukod sa PGH, kasama sa priority hospitals para vaccination roll-out ang Lung Center of the Philippines, Veterans Memorial Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (Tala Hospital), PNP General Hospital, Pasig City General Hospital, at V. Luna Medical Center.
Muli namang tiniyak ng Department of Health sa mga health workers na “ligtas” at “makatutulong” sa kanila ang Sinovac para mapababa ang paligro sa COVID-19.
Target ng pamahalaan na makakuha ng 148 million doses ng mga bakuna mula sa iba't ibang kompanya para mabakunahan ang 70 milyon Pinoy ngayong taon.
Sa ngayon, bukod sa Sinovac, nabigyan na rin ng emergency use ng FDA ang bakuna ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca, na kapwa hindi pa dumadating sa bansa.--FRJ, GMA News