Sa kulungan ang bagsak ng isang manager at empleyado matapos silang magsabwatan para pagnakawan ang convenience store na kanilang pinagtatrabahuhan at tangayin ang mahigit P4 milyong kita nito sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila.
Sa ulat ni Ivan Mayrina ng GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang panloloob sa convenience store pasado 1 p.m. nitong Pebrero 17.
Ang manager at franchise owner ng convenience store ang mismong nag-report sa insidente, pero hindi sa pulisya kundi sa barangay.
Bukod sa mahigit P4 milyong laman ng kaha, kinuha rin ng suspek ang cellphone ng manager at harddrive ng CCTV ng tindahan.
Hindi agad pinaniwalaan ng pulisya ang salaysay ng manager.
"Napakalaki ng kaniyang nawala sa sales ng kaniyang convenience store about P4.5 million. Second sa barangay siya nag-report, hindi sa pulis, na napakalapit naman ng ating kapulisan. At of course 'yung kaniyang urgent need ng police report," sabi ni Manila Police District Chief Brigadier General Leo Francisco.
Sinundan ng pulisya sa loob ng isang linggo ang tinangay umano na telepono ng manager at sinuyod ang mga CCTV sa rutang dinaanan nito.
Ilang beses nahagip ang suspek sa daan-daang CCTV na tiningnan ng mga awtoridad, base na rin sa suot niyang damit at gamit na motorsiklo.
Ayon na rin sa paglalarawan ng mga saksi, nakuhanan ang suspek sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila.
Nang matunton ang suspek sa Pasay, hindi inaasahan ng pulisya na kasama ng suspek ang pinsan ng mismong manager, na empleyado rin ng convenience store.
"Nakita namin 'yung pinsan niya na magkasama sila nung suspek. Makikita mo magkaangkas pa sila," ayon kay Francisco.
Nang komprontahin ng mga awtoridad, umamin ang manager at mga suspek sa kanilang sabwatan para palabasin na nagkaroon ng holdup.
Sa pag-iimbestiga po namin, inilalabas ang goods nitong convenience store na ito at walang nilalagay na pera sa vault. So 'pag dumarating 'yung, sabihin natin na nagko-collect ng pera ng convenience store, walang pera kaya puwede nilang sabihin na naholdup. Wala na rin ang goods," sabi ni Francisco.
"Kasi sir pandemic nga po, 'yung mga tao po kailangan po ng trabaho," sabi ni Grace Gutierrez, manager ng convenience store.
Nahaharap sa reklamong qualified theft by conspiracy ang mga arestadong suspek.